Mga dagdag na reporma at polisiya para malabanan ang korapsyon sa bansa, inirekomenda ng United Nations Office on Drugs and Crime

Nagrekomenda ang United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) ng ilang mga reporma at polisiya ng Pilipinas para malabanan at mapigilan ang korapsyon sa bansa.

Sa ika-limang State Conference on the United Nations Convention Against Corruption sa Malacanang, kinilala ni UNODC Philippines Head Daniele Marchesi ang pagsisikap ng pamahalaan para matuldukan ang katiwalian.

Partikular dito ang pagpasa ng Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act na inaasahang magbibigay ng transparency sa pagbili ng gobyerno sa mga gamit at serbisyong para sa mga proyekto.


Gayundin ang pagtugon sa pagkakabilang ng bansa sa “grey list” ng Financial Action Task Force (FATF) dahil sa mahinang mga polisiya laban sa money laundering at counter-terrorism financing.

Pinuri din ng UN official ang kautusan ni PBBM na total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Gayunpaman, ayon kay Marchesi, marami pa rin mga hamon ang kailangan tutukan para mapalakas ang kampanya laban sa korapsyon.

Kabilang sa mga maaaring gawin ay ang pagpasa ng isang batas para sa proteksyon ng mga whistleblower dahil sa mahalaga nilang papel sa pagsiwalat ng katiwalian.

Gayundin ang pagpasa ng Beneficial Ownership Transparency Law, na magmamandato sa mga kumpanyang isapubliko ang tunay na nagmamay-ari sa kanila para hindi magamit sa korapsyon at money laundering.

Inirekomenda rin ni Marchesi ang pagpapalawig at pagsali ng Kongreso at Hudikatura sa Freedom of Information framework, at ang patuloy na pagsusulong sa integridad, accountability, at human rights sa law enforcement agencies at criminal justice system ng bansa.

Facebook Comments