Tiyak na hihikayat ng mas maraming pamumuhunan na magbubunga ng mas maraming trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino ang 6th Indo-Pacific Business Forum (IPBF) na gaganapin sa Maynila ngayong taon.
Sinabi ito ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, makaraang imbitahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa idinaos na Philippine-US Business Forum ang mga pangunahing negosyante sa Amerika na lumahok sa isasagawang business forum sa ating bansa sa Mayo 21, 2024.
Ang idaraos na 6th Indo-Pacific Business Forum sa Maynila ay inaasahang dadaluhan ng may 500 business leaders, project developers, opisyal ng gobyerno, at financing sources.
Pangunahing tatalakayin dito ang infrastructure, supply chain resilience, critical minerals, clean energy, digital economy, mga bagong teknolohiya at inclusive trade.
Magiging katuwang ng pamahalaan ng Pilipinas sa 6th IPBF ang U.S. Trade and Development Agency kasama ang U.S. Department of State.