Manila, Philippines – Lumago ng 7.43 percent ang foreign tourist arrival ng Pilipinas sa nakalipas na unang sampung buwan ng 2018.
Ito sa kabila ng anim na buwang pagsasara ng Boracay Island, na siyang top destination sa bansa.
Sa datos ng Department of Tourism, makikita na mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, umabot sa 5,880,895 ang international tourist arrival sa bansa mula sa 5,474,310 noong 2017.
Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, mga Koreano pa rin ang top visitor market ng bansa sa bilang na 1, 295,862.
Sinundan sila ng mga Chinese tourist (1,059,788), US (850,735), Japan (530,228) at Australia (220,367).
Habang sarado ang Boracay, dumagsa naman ang maraming turista sa Cebu, Bohol at Palawan.
Gayunman, aminado si Puyat na malabong maabot ng Pilipinas ang target nitong at least 7.4-million foreign tourist arrival ngayong taon dahil na rin sa anim na buwang pagsasara ng Boracay.
At kahit nabuksan na, nilimitahan lang sa 19,000 kada araw ang bilang ng mga turistang pwedeng magpunta sa isla.