Lalo pang bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa nitong Oktubre.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa 7.7% ang inflation rate sa bansa nitong Oktubre mula sa 6.9% noong Setyembre.
Ayon kay PSA National Statistician and Civil Registrar General Dennis Mapa, pangunahing dahilan nito ay ang mas mabilis na pagtaas ng food and non-alcoholic beverages.
“Right now sa October, ang malaking push talaga ay sa food inflation. Our food inflation sa national is 9.4%,” ani Mapa.
Sa food, nakita natin sa National Capital Region, mataas talaga yung sa vegetable so this is really the effect of the previous typhoon, yung Karding. Of course, yung transport kasi na-factor in yung pagtaas ng presyo sa pamasahe sa jeep, sa bus, sa taxi. Plus, pumasok din yung sa housing, water, electricity, gas and other fuels. Yung impact ng recent typhoon natin, yung Paeng, makikita pa natin yun ngayong buwan ng Nobyembre,” paliwanag ng opisyal.
Oktubre 2008 nang maitala ang huling pinakamataas na inflation rate na nasa 7.8%.
Samantala, bumilis din sa 7.7% ang inflation rate sa National Capital Region mula sa 6.5% noong Setyembre.
Habang sa labas ng Metro Manila, ang Davao Region ang may pinakamataas na inflation rate na 9.8% na mas mataas din sa 9.6% na naitala sa rehiyon noong Setyembre.
Samantala, umabot na sa 5.4% ang average inflation rate sa bansa mula Enero hanggang Oktubre.
“There’s a substancial probability of an increase. It’s not certain that this is already the peak primarily because we will be experiencing upward movement from the data on good prices and then, the team noted that we had an increase in LPG, so that will factor in,” saad pa ni Mapa.