7-ANYOS NA BATA, NASAWI MATAPOS MALUNOD SA ISANG RESORT SA ALICIA

CAUAYAN CITY- Nauwi sa trahedya ang isang masaya sanang outing ng isang pamilya matapos malunod ang isang grade 2 student sa isang private resort sa bayan ng Alicia, Isabela.

Kinilala ang biktima na si alyas “Ranz”, 7-anyos, at residente ng Brgy. Paddad, Alicia, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa PNP Alicia, nakatanggap ng tawag ang kanilang tanggapan mula sa may-ari ng resort hinggil sa nangyaring insidente.


Ayon sa kanilang pagsisiyasat, habang naghahanda ng pagkain ang ibang miyembro ng pamilya ay nagtungo ang biktima kasama ang kanyang ama sa kid’s pool kung saan makalipas ang ilang sandali ay iniwan ng ama ang kanyang anak at nagtungo sa kubo upang makipag-inuman.

Makalipas ang tatlompung minuto, bumalik ang ama nito sa pool upang tingnan ang biktima ngunit hindi nya ito mahanap.

Agad na nagtungo ito sa adult pool na may lalim na limang talampakan at nakita nya ang biktima sa sahig ng pool.

Dali-dali namang iniahon ng ama ang kanyang anak na agarang dinala sa pagamutan ngunit sa kasamaang palad ay idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Facebook Comments