Sa kabila ng banta ng mga bagong variant sa bansa, patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa latest data ng OCTA Research Group na naitala noong November 23 hanggang kahapon Nov. 29, bumaba na sa 204 ang 7-day average ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guidio David na mas mababa pa ito sa naitala na 292 na 7-day average mula Nov. 16 to 22, at ito na ang pinakamababang naitala simula noong Hunyo noong nakaraang taon.
Nasa 0.44 na lang din aniya ang reproduction number o bilis ng hawaan ng virus sa Metro Manila habang bumaba na rin sa 1.47% ang positivity rate.
Sa predisyon ng OCTA, kung hindi makakaapekto ang bagong variant na Omicron ay posibleng bumaba pa sa 100 ang 7-day average nitong Disyembre.
Kahapon, umabot na lang sa 634 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa na pinakamababa sa loob ng labing anim na buwan.