Ikinatuwa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapawalang sala at pagpapalaya sa 7 Filipino seafarers sa Libya.
Matatandaang ang mga ito ay ikinulong noong 2017 matapos maharap sa economic sabotage makaraan umanong mag smuggle ng six million liters ng gasolina mula sa isang Liberian-flagged tanker.
Ayon kay Philippine Embassy in Tripoli Chargé d’Affaires Mardomel Celo Melicor, natanggap na ng Embahada ang kautusan ng Libyan High Court na nagsasabing malaya na ang 7 tripulante.
Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang Embahada sa Libyan authorities para sa repatriation ng mga seafarers.
Sinabi pa ni Chargé d’Affaires Melicor, ang 7 ay mula sa 20 Pinoy na tripulante na kinostodiya ng Libyan Coast Guard.
Ang 13 crew members ay una nang pinalaya noong February ng nakalipas na taon habang ang 7 opisyal ay hinatulan ng 4 na taong pagkakabilanggo.
Kasama ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Presidential Adviser Abdullah Mamao sa pag-apela sa Libyan government para mapalaya ang mga tripulante.