Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong indibidwal na nagpapakilalang opisyal ng Malacañang at konektado umano kay First lady Liza Marcos upang makapanloko.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, modus ng grupo na puntiryahin ang mga nais magkaposisyon sa gobyerno at maging ang mga presidential appointee na nais ma-promote.
Nilalapitan din umano ang mga itinalaga ng nagdaang administrasyon na nanganganib umanong alisin sa pwesto ngayon.
Sinabi ni Santiago na nangingikil ang mga suspek ng P500,000 hanggang P1 million para iproseso umano ang mga papeles ng kanilang bibiktimahin.
Agad nagsagawa ng verification ang NBI sa Presidential Management Staff (PMS) para malaman kung mayroon silang tauhan sa Palasyo na nagngangalang JV Cruz at isang assistant secretary.
Nang makumpirmang hindi konektado sa Malakanyang, ikinasa ng NBI ang operasyon na umabot mula sa La Union hanggang sa Quezon City.
Sinabi ni NBI Ilocos Region Director Ferdinand Lavin na nagulat sila nang makita ang mga suspek na nakabarong pa, may insignia ng Office of the President at radio equipment para magpormang Presidential Security Group.
Dito na nabatid ng NBI na ang kanilang naarestong mga suspek partikukar si Alyas Atty. JV Cruz ay nahaharap sa iba’t ibang kaso tulad ng estafa, illegal recruitment at usurpation of authority.
Sa ngayon, ayon kay Dir. Santiago, madaragdagan pa ang kahaharaping kaso ng mga suspek.
Isinasailalim na sa forensics ang mga gadget mg mga suspek upang malaman kung may mga taga-gobyerno ang kumagat o nabiktima.