Sugatan ang pitong indibidwal matapos ang naganap na pamamaril sa Sitio Territory Bacolod, Barangay China Town, Malabang, Lanao del Sur kamakailan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Director BGen. Arthur Cabalona, nagkaroon ng sunod-sunod na mga putok hanggang hatinggabi ng Easter Sunday.
Dahil sa insidente, kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng Malabang Municipal Police Station, Marine Batallion Landing Team-2, at 2nd PMFC para malaman kung sino ang mga responsable sa pagpapaputok.
Ginagamot pa rin ngayon sa Amai Pakpak Medical Center (AMPC) ang pitong sugatan na nagtamo ng mga minor injuries dahil sa mga shrapnel.
Sinabi ni BGen. Cabalona, nagpapatuloy ang imbestigasyon ang insidente habang nagtalaga na siya ng mga pulis sa Malabang para magbantay sa lugar katuwang ang mga sundalo.
Ang bayan ng Malabang ang isa sa dalawang lugar sa Lanao del Sur na isinailalim sa Commission on Elections (COMELEC) control.
Sa ngayon ay mas lalo pa na pinaigting ng PNP sa Bangsamoro Autonomous Region ang kanilang COMELEC checkpoints, police patrol at police visibilities sa nasabing bayan.