Arestado ang pitong katao sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na pagsusugal na isinagawa sa mga bayan ng Luna at Aringay sa lalawigan ng La Union noong Enero 21, 2026.
Sa bayan ng Luna, tatlong indibidwal ang inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Luna Municipal Police Station bilang lead unit, katuwang ang LUPIU at RIU1, sa bisa ng magkakahiwalay na warrant of arrest para sa paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling Law of the Philippines.
Kabilang sa mga naaresto ang isang 60-anyos na babaeng tindera, isang 43-anyos na lalaking laborer; at isang 57-anyos na lalaking magsasaka, pawang mga residente ng nasabing bayan.
Ang bawat isa ay may inilaang piyansang Php30,000.00 at kasalukuyang nasa kustodiya ng Luna MPS para sa dokumentasyon at wastong disposisyon.
Samantala, sa bayan ng Aringay, apat na babae ang inaresto ng Aringay Municipal Police Station matapos maaktuhan na naglalaro at tumataya ng barahang “Pusoy,” na paglabag sa umiiral na Municipal Ordinance laban sa ilegal na pagsusugal.
Ang mga nahuli ay pawang residente ng Aringay at kinabibilangan ng isang 47-anyos na babaeng self-employed, isang 53-anyos na babaeng self-employed, at dalawang 38-anyos na babae na kapwa self-employed.
Nakumpiska sa lugar ng operasyon ang isang set ng baraha at bet money na nagkakahalaga ng Php 815.00 sa iba’t ibang denominasyon.
Ang mga inaresto ay inisyuhan ng citation tickets kaugnay ng paglabag sa kaukulang ordinansa at dinala sa Aringay Rural Health Unit para sa medikal na eksaminasyon bago inilagay sa kustodiya ng Aringay MPS.







