7 Katao, Arestado sa Pag-iingat ng Iligal na Baril!

*Aurora, Isabela- * Arestado ng mga otoridad ang pitong indibidwal matapos masamsaman ng iligal na baril kahapon sa Brgy. Ballesteros, Aurora, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang tanggapan ng PNP Aurora kaugnay sa grupo ng mga armadong kalalakihan na naglilibot sa naturang lugar at hinihinalang nagtatago sa inabandonang bahay ng yumaong dating Kapitan ng naturang barangay.

Sa pagresponde ng mga otoridad sa lugar ay nadatnan ang pitong kalalakihan na nakatayo sa labas ng bahay na may nakasukbit na baril sa kanilang baywang.


Nang hanapan ang mga ito ng kaukulang dokumento sa pagdadala ng baril ay bigong makapagpresinta ang mga ito dahil ng kanilang pagkakaaresto.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Roger Buccasan, 23 anyos, residente ng Brgy. Appas, Upper Lubu, Kalinga ang isang Remington Cal 45 na may anim na bala, tig-isang Caliber 45 na may limang bala mula sa pag-iingat nina Dario Balaybay Bullayeo, 49 anyos na residente ng Brgy. Upper Lubu, Kalinga, Jayson Sorad, 19 anyos, at Pio Bana, 52 anyos na kapwa residente ng Tannudan, Kalinga.

Nakuha rin kina Heartwin Banna, 22 anyos, at Eddie Bannao, 34 anyos, parehong taga Brgy. Gaang, Tannudan, Kalinga ang tig-isang 38 revolver na may tatlong bala.

Isang granada mula naman sa pag-iingat ng 16 anyos na binatilyo na residente rin ng Brgy. Daang Tannudan Kalinga.

Dinala na sa himpilan ng Aurora Police Station ang mga suspek at nakumpiskang baril at bala para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.

Samantala, inihahanda na ng PNP Aurora ang kasong paglabag sa RA 10591 at paglabag sa Omnibus Election Code na isasampa laban sa pitong suspek.

Facebook Comments