7 Katao, Arestado sa Pagnanakaw sa Isang Tindahan!

*Ramon, Isabela- *Natimbog na ng mga otoridad ang mga suspek na nanloob sa isang tindahan sa Purok 6 General Aguinaldo, Ramon, Isabela.

Ang anim na suspek ay pawang mga menor de edad at isang 18 anyos na si Aaron Biag, na mga residente ng Brgy. General Aguinaldo, Ramon, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), bandang alas syete ng umaga noong Hunyo 2, 2019 nang mapag-alaman ng biktima na may-ari ng tindahan na si Eduardo Petines, 47 anyos na niransak ang kanyang Sari-sari store at natangay ang humigit kumulang P500,000.00 na pera na agad namang iniulat sa tanggapan ng PNP Ramon.


Kaugnay nito, pasado alas syete ng umaga kahapon, Hunyo 4, 2019 nang personal na nagtungo at sumuko sa tanggapan ng pulisya ang isa sa mga suspek na itinago sa pangalang “Junjun” at itinuro ang anim pang kasabwat sa naturang pagnanakaw na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Sa ngayon ay pinauwi na sa kani-kanilang tahanan ang mga menor de edad habang nakapagsampa na ng kaso ang biktima laban sa mga suspek.

Facebook Comments