Aabot sa 6 na libong volunteers ang kailangan ng ilang independent companies para sa pagsasagawa ng phase 3 ng clinical trials para sa bakuna o gamot kontra COVID-19.
Habang sa World Health Organization (WHO) Solidarity trials ay kailangan naman ng isang libong volunteers.
Ito ang sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Peña sa Laging Handa public press briefing.
Paliwanag ni Sec. Dela Peña, kaya mas kakaunting volunteers ang kailangan sa WHO Solidarity trials ay dahil may iba pang mga bansa na nagsasagawa na rin ng trials tulad ng Russia, Brazil, Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE).
Kasunod nito, sinabi ni Dela Peña na naglabas na sila ng guidelines para sa ligtas at epektibong clinical trials.
Aniya, mahigpit munang dadaan ang bakuna sa evaluation at assessment ng vaccine expert panel at kung pasado ay i-eendorso ito sa Food and Drug Administration (FDA), bago muling susuriin ng FDA at ng Research Ethics Board upang matiyak na ligtas ang bakuna na ituturok sa tao.