Patuloy na nakamonitor ang Manila Health Department sa 7 lugar sa lungsod ng Maynila na nananatiling COVID-19 free.
Nabatid kasi na nais ng Manil Local Government Unit (LGU) na manatili ang pitong lugar na walang naitatalang kaso ng virus kung saan umaasa sila na madadagdagan pa ito.
Sa datos ng Manila Health Department, ang mga lugar na wala ng kaso ng COVID-19 ay ang Binondo, Intramuros, Malate, Port Area, San Miguel, San Nicolas at Sta. Cruz.
Bukod dito, nakatutok rin sila sa area ng Sampaloc na nakapagtala ng 5 kaso ng COVID-19 maging sa Tondo-1 na may 4 na kaso at sa lugar rin ng Paco na nasa tatlo.
Habang ang Ermita, Pandacan, San Andres at Tondo-2 na may tig-dadalawang kaso gayundin ang Quiapo, Sta. Ana at Sta. Mesa na may tig-iisang kaso ay pinatututukan sa mga barangay health workers para tuluyan ng mawala ang kaso ng virus.
Patuloy na pinag-iingat ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga residente nito kahit pa bumaba na sa 23 ang kaso ng COVID-19 upang hindi na lumaki pa o dumami pa ang mahawaan ng nasabing sakit.