7 Magkakamag-anak at Drayber, Sugatan sa Aksidente sa Nueva Vizcaya!

Cauayan City, Isabela- Nagpapagaling pa rin sa pagamutan ang pitong mag kakamag-anak kabilang ang drayber ng jeep matapos itong mawalan ng kontrol sa manibela sa kahabaan ng Sitio Nagsabaran, Brgy. Biyoy, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Nakilala ang drayber ng jeep na si Alex Pagaddut, 30-anyos, Barangay Buag, Bambang, Nueva Vizcaya habang ang walong magkakamag-anak na pasahero nito ay sina Janet Wangdali, 34-anyos, may-asawa, April Shane Gumatin, 14-anyos, dalaga, estudyante, Villamor Wangdali, 40-anyos, may-asawa at magsasaka, Eddie Gumatin, 40-anyos, magsasaka, V-Jay Wangdali, 4-anyos, Ellyza Mae Wangdali, 8-anyos at Princess Wangdali, 10-anyos na pawang mga residente sa naturang lugar.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabagtas ng jeep ang pakurbang bahagi ng kalsada ay biglang nawalan ng kontrol sa manibela si Paggadut.


Masuwerteng nakabig pa nito ang manibela at nagpasyang ibangga na lamang sa isang puno ang minamaneho kaya’t nakaligtas at hindi nahulog sa malalim na bangin.

Nagtamo naman ng mga sugat at galos sa katawan ang mga biktima na agad namang nirespondehan ng mga otoridad.

Patungo sana sa kabayanan ang pampasaherong jeep nang mangyari ang aksidente.

Facebook Comments