Cauayan City, Isabela- Pitong miyembro ng Bagong Hukbong Bayan ang nagbalik-loob sa pamahalaan at isinuko ang kanilang mga armas nitong ika-27 ng Abril taong kasalukuyan sa Zinundungan Valley, Rizal at Sto Niño, Cagayan.
Isinuko ang ilang armas gaya ng M16 rifle, dalawang homemade shotgun, mga bala ng baril, isang hand grenade, tatlong rifle grenade, Anti-personnel mine, terrorist NPA flag at mga subersibong dokumento.
Ito ay resulta ng ginawang kampanya ng CSP Team ng 17IB na maihatid ang mga proyekto at programa ng pamahalaan na naglalayong matulungan ang bawat mamamayan na nasa kanayunan.
Ayon sa pahayag ng mga sumuko, naiparating sa kanila ang tunay na hangarin ng CSP upang mapaganda at maging maginhawa ang kanilang pamumuhay.
Maging ang mga residente kasi ng mga nasabing bayan ay tumutulong upang maiparating sa mga natitira pang mga miyembro ng teroristang NPA ang mga ginagawa ng pamahalaan upang makamtan ang tunay na kapayapaan at kaunlaran sa kani-kanilang mga lugar.
Maliban dito, sinabi pa ng mga nagbalik-loob na doble hirap na rin ang kanilang naranasan sa loob ng kilusan lalo nang mawalan sila ng mga kagamitan matapos makumpiska ng kasundaluhan sa nangyaring engkwentro sa bayan ng Flora, Apayao noong ika-14 ng Marso nang kasalukuyang taon.
Anila, nangungulila na rin sila sa kani-kanilang pamilya na matagal na nilang nais makasama ng maayos.
Ipinagpapasalamat naman ni LtCol. Angelo Saguiguit, Battalion Commander ng 17IB ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ng mga regular na miyembro ng teroristang CPP-NPA.
Samantala, pinuri naman ni MGen. Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang pwersa ng 17IB Startroopers sa kanilang tuloy-tuloy na kampanya upang wakasan ang insurhensiya sa kanilang nasasakupan.