*Cauayan City, Isabela- *Arestado ang pitong (7) katao na itinuturing na Most Wanted Person sa municipal at provincial level sa Lalawigan ng Isabela.
Bagsak na ngayon sa kulungan ang Top 1 Municipal Level Manhunt Charlie na kinilalang si Edmer Rivera, 33 taong gulang, construction worker at residente ng Brgy. Magdalena, Cabatuan, Isabela matapos maaresto sa Sauyo, Novaliches, Quezon City.
Nahaharap sa kasong Parricide si Rivera na nasa kustodiya ng Cabatuan Police Station kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Timbog rin ang Top 3 Most Wanted Person sa Manhunt Charlie at Top 5 Manhunt Bravo Provincial Level na kinilalang si Jimboy Seroma, 24 taong gulang tubong Brgy. Caraniogan, San Manuel, Isabela at pansamantalang naninirahan sa Lingayen St., Area 5, Bagong Silangan, Quezon City.
Siya ay nahaharap sa kasong Rape by Sexual Assault na may kaukulang piyansa na Php200,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Huli rin ang Top 5 Most Wanted Person sa Municipal level na si Leo Monforte, 50 taong gulang, magsasaka at residente ng Brgy. Sallucong, Reina Mercedes, Isabela.
Kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act of 2004 kung saan ay wala pang inilaang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nasa pangangalaga ngayon ng PNP Reina Mercedes ang akusado at nakatakdang ipasakamay sa court of origin.
Ang itinutuiring na Top 6 Most Wanted Person Municipal level naman ng bayan ng Echague ay nadakip rin ng kapulisan Brgy. Sta. Monica, Echague, Isabela.
Nakilala ang akusado na si Lucena Abaco, 19 taong gulang, binata, at residente ng Brgy. Sta. Monica, Echague, Isabela.
Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resuulting (RIR) in Serious Physical at siya ay makakalaya pansamantala kung makakapagpiyansa ng Php. 10,000.00.
Hindi rin nakaligtas sa mga alagad ng batas ang Top 7 Most Wanted Person munciipal level na si Rudy Nipahoy, 35 taong gulang, magsasaka at residente ng Brgy. Taliktik, Cordon, Isabela.
Dinakip si Nipahoy dahil sa kaso nitong Acts of Lasciviousness na may kaukulang piyansa na Php80,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang Top 8 Most Wanted Person din ng Cordon, Isabela ay natimbog rin ng mga alagad ng batas sa Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Siya ay nakilalang si Deverson Gorospe, 32 anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Inaresto si Gorospe dahil sa kaso nitong Theft na may piyansang Php. 10,000.00.
Dagdag dito, nakaiskor din ang San Mariano Police Station matapos mahuli ang Top 9 Most Wanted sa bayan na kinilalang si Juanito Ampa Jr, 33 taong gulang, magsasaka at residente ng Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela.
Nahaharap naman ito sa kasong Frustrated Parricide at may inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan na Php120,000.00.