Manila, Philippines – Naniniwala ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na maiiwasan sana ang naranasang pitong oras na data outage sa transparency server ng Commission on Elections (Comelec) kung nagkaroon lang sana ng sapat na system tests.
Matatandaang nagkaroon ang glitch ang transparency server matapos magsara ang botohan nitong Lunes at isa pang error ang nangyari kahapon na itinuturing ng Comelec na isang “java error”.
Sa statement ng NAMFREL, nagkaroon lamang ng limitadong test ang Automated Election System (AES) na ginamit ngayong eleksyon.
Hindi ito dumaan sa complete end to end test kung paano lumilipat ang data mula sa isang device component patungo sa iba pa hanggang sa makarating sa end point.
Muling iginiit ng NAMFREl na hindi pinagbigyan ng Comelec ang kanilang request na magkaroon ng access sa AES data, kabilang ang iba’t-ibang logs.