Isang Chinese at anim na Pilipino ang naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na sangkot sa human trafficking syndicate.
Sa ginanap na presscon sa tanggapan ng NBI, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, bahagi ang mga nahuli ng malaking Chinese at Russian organized crime groups na nagpapatakbo ng sex ring sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia hanggang Middle East.
Kabilang sa mga nasagip ay pitong menor de edad na Filipina, tatlong Russian at isang Kazakhstan.
Sinabi naman ni NBI Cybercrime Division Chief Atty. Jeremy Lotoc na nahuli ang mga suspek sa isang entrapment operation sa isang condominium sa Mother Ignacia sa Quezon City.
Inilalako umano sa social media ang mga Pinay sa ₱5,000 habang ₱45,000 naman ang mga Russian at Kazakhstan.
Pumasok umano sa bansa ang mga Russian at Kazakhstan gamit ang mga tourist visa at pinangakuan ng trabaho pero sa sexual trafficking ang ikinabagsak ng mga dayuhan.
Dalawang linggo lang umano mamalagi ang mga dayuhan sa bansa at pagkatapos ay ililipat naman sila sa Singapore para doon pagtrabahuhin bilang sex workers.
Hindi pa masabi ng NBI kung gaano kalaki ang sindikato na kanilang natunton pero lumalabas na magkasabwat ang Chinese at Russian organized crime groups sa operasyon ng human trafficking.