
Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na negatibo sa paraffin test ang pitong pulis na itinuturing na persons of interest sa pamamaril kay mayoralty candidate Kerwin Espinosa noong nakaraang linggo.
Ang paraffin test ay isang pagsusuri upang matukoy kung nagpaputok ng baril ang isang tao.
Nilinaw ni PNP Public Information Office Chief Col. Randulf Tuaño na hindi pa rin ligtas sa kaso ang mga pulis dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad.
Ayon kay Tuaño, may mga paraan upang makaiwas sa positibong resulta sa paraffin test gaya ng paggamit ng gloves o paglalagay ng kemikal sa kamay bago magpaputok.
Sa ngayon, nahaharap ang pitong pulis sa reklamong illegal possession of firearms matapos makumpiska ang sampung armas sa kanilang kustodiya kung saan siyam sa mga ito ay walang kaukulang dokumento.
Nananatili naman ang mga pulis sa ilalim ng restrictive custody habang tuloy ang malalimang imbestigasyon sa insidente.