Inilatag ng pamahalaan ang ‘7 Point Response’ bilang tugon sa apela ng mga healthcare worker na ibalik sa mahigpit na quarantine protocols ang Metro Manila kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa public briefing sa Malacañang, inisa-isa ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga hinaing ng mga healthcare worker.
Kabilang na rito ang kakulangan sa health workforce, masyadong nakadepende sa anti-body test at pahirapang pagrefer sa mga quarantine center, mahinang contact tracing at hindi sapat na isolation facilities.
Hinihiling din ng healthcare workers ang ligtas na pamamaraan ng transportasyon sa gitna ng pandemya,
Bukod dito, hiniling nila sa Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI) na mag-isyu ng malinaw na advisory sa mga kumpanya para masunod ang minimum health standards.
Mariin ding tinututulan ng mga healthcare worker ang pagbubukas ng non-essential industries tulad ng gym, review centers, aesthetic services at iba pa.
Kaugnay nito, binanggit ni Duque ang pitong sagot ng pamahalaan sa kanilang apela, kabilang na rito ang paghire ng karagdagang healthcare workers at pagbuo ng health worker reserve, pagbibigay ng karagdagang benepisyo kabilang ang P10,000 risk allowance, libreng life insurance na kasama sa panukalang Bayanihan to Recover as one Act o Bayanihan 2, pagbibigay ng libreng transportation at accommodation at libreng testing sa mga manggagawang pangkalusugan.
Kasama rin ang pagpapatupad ng quarantine pass, pagpapaigiting ng localized lockdown, at mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards kung saan magbibigay ng 20 milyong cloth masks sa mga mahihirap.
Mananatiling ‘gold standard’ ang Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing sa pagtukoy ng COVID-19 cases.
Ang pang huling rekomendasyon ay ang itaas muli sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila sa loob ng 15 araw.