
Sinibak na ng National Police Commission o NAPOLCOM sa puwesto ang pitong tauhan ng Caloocan City police na inireklamo ng lalaking namatayan ng anak dahil sa leptospirosis noong Hulyo.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Calinisan, kabilang dito sina Police Capt. Romel L. Caburog, P Lt. Jeffren Aganos, Police Master Sgt. Ryan L. Candelario, Police Staff Sgt. Stephen C. Somlani, Police Staff Sgt. Darwin S. Indiongco, Police Staff Sgt. Rodolfo King Bautista at Police Corporal Marvin S. Resumadero.
Pinatawan ang mga pulis ng dismissal for the service o sibak sa puwesto.
Nag-ugat ang reklamo sa pitong police Caloocan sa reklamo ng ama ni Dion na si Jayson dela Rosa.
Si Dion ang binatilyong namatay matapos na magka-leptospirosis sa paglusong sa baha para hanapin ang kanyang ama.
Kalaunan, napag-alaman na ito pala ay inaresto ng mga pulis dahil sa illegal gambling.
Pero sa ipinrisintang CCTV footage sa NAPOLCOM, inaresto si Jayson dahil sa shoplifting kahit na hindi nagreklamo ang convience store laban sa kanya matapos na isauli ang kinuha niyang pabango.
Ginamit umano ang pag-aresto kay Jayson para sa quota system sa Philippine National Police (PNP).









