Naniniwala ang halos pito sa bawat 10 Pilipino na nalampasan na ang pinakamalalang bahagi ng COVID-19 pandemic.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula November 21 hanggang 25, 2020 sa 1,500 adult respondents, tinanong kung lumipas na ang pinakamalalang naramdaman tungkol sa krisis sa COVID-19 sa bansa.
Lumabas na 69% ang naniniwalang natapos na ang malalang bahagi ng pandemya.
Mataas ito kumpara sa 47% noong Setyembre, 35% noong Hulyo at 44% noong Mayo.
Nasa 31% naman ang nagsabing mas lalala pa ang pandemya, mababa kumpara sa 47% noong Setyembre.
Mataas ang nagsabing natapos na ang malalang sitwasyon ng pandemya sa Metro Manila (78%), kasunod ang Balance Luzon (69%), Visayas (67%) at Mindanao (65%).
Sa Mindanao naman ang maraming nagsasabing may malala pang mangyayari sa pandemya na nasa 35%, kasunod ang Visayas (32%), Balance Luzon (31%) at Metro Manila (22%).
Bukod dito, makikita rin sa survey na mas mataas ang kumpiyansa ng mga Pilipino kumpara sa mga Americans na nasa 33% at Canadians na nasa 19%.
Naniniwala ang 42% ng mga Amerikano at 45% ng mga Canadian na lalala pa ang pandemya.