7 sundalong sugatan sa engkuwentro sa Mindanao, nakatanggap ng P100K mula sa pamahalaan

Pinarangalan ni Pangulong Bongbong Marcos ang pitong sundalo na nasugatan sa engkuwentro sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Personal na iniabot ng pangulo ang P100,000 tulong pinansiyal sa mga naturang sundalo na kasalukuyang nagpapagaling sa Camp Siongco Station Hospital, Maguindanao del Norte.

Sa kaniyang mensahe, kinilala ni PBBM ang mga pagsisikap ng mga hukbo mula sa 6th Infantry Division para paigtingin pa ang seguridad sa Mindanao.


Pinaalalahanan rin ng pangulo ang mga sundalo na siguruhing tapat at mapayapa ang magaganap na halalan sa Bangsamoro sa susunod na taon.

Matatandaang nakasagupa ng pitong sundalo ang 15 miyembro ng BIFF sa Barangay Kitango, Datu Saudi Ampatuan noong April 22 na nagresulta sa pagkapatay ni Mohiden Animbang alyas Kagui Karialan, ang pinaka-mataas na lider ng BIFF-Karialan faction.

Napatay din sa engkuwentro ang kapatid ng BIFF leader na si Saga Animbang na tumatayong operation chief ng grupo at 10 iba pa.

Facebook Comments