
Inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Intelligence Division ang pitong pulis ng Maynila na inireklamo ng pamilya ng kanilang inaresto.
Nakilala ang mga pulis na nakadestino sa Manila Police District (MPD) Station-5 na sina PLt. Ariel Erlano Codon, Deputy Chief ng MPD Station-5, at PSSg. Philip Salazar Lizardo, Drug Enforcement Unit Investigator ng Station-5 kasama ang mga tauhan ng Anti-Drug Operatives na sina PSSg. Ronie Boy Matutina Alonzo, PSSg. Mark Oliver Gapate Amigable, PAT John Michael Vizcarra Sobrevilla, PAT Drex Pating Bato, at PAT Bryan Tañafranca Gomez.
Sa imbestigasyon, inaresto nila ang isang lalaki noong June 20, 2025 na sangkot umano sa iligal na droga pero hindi naman totoo.
Nakiusap ang asawa ng lalaki kung saan hiningan ng mga pulis ng P50,000 ang ginang pero hindi kaya ang halaga.
Pumayag ang mga pulis sa halagang P20,000 na ipinadala sa pamamagitan ng e-wallet na Gcash at napalaya ang ikinulong na mister nang wala namang isinampang kaso.
Napag-alaman ng mga pulis na nagreklamo ang ginang sa tanggapan ng MPD Station-5 kaya’t nais na ibalik ang pera pero desidido ang mga nabiktima na ituloy ang reklamo kahit pa tinatakot at pinagbantaaan sila ng mga nasabing pulis.
Lumapit mismo ang mag-asawa sa tanggapan ng direktor ng NCRPO kung kaya’t isinagawa ang operasyon sa mismong presinto ng MPD Station-5 at saka nadakip ang pitong pulis.
Nahaharap ang mga inarestong pulis sa kasong Robbery Extortion, Grave Threat, Arbitrary Detention, at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at PD 1829 o Obstruction of Justice.









