7 websites ng illegal E-sabong, sumulpot matapos na ipasara ito ayon sa DILG

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, na matapos na ipasara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR-franchised ng E-sabong ay umusbong naman ang pitong illegal na nag nagsasagawa ng operasyon nito sa webistes.

Ayon kay Malaya, inatasan na ni DILG Secretary Edurado Año ang Philippine National Police (PNP) Directorate for Operations and Anti-Cybercrime Group na magsagawa ng imbestigasyon.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya si Año sa National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa ilegal na operasyon.


Nitong Miyerkules, una nang sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na iniimbestigahan na ng cybercrime units upang makilala ang mga operator na nagsagagawa ng illegal E-sabong sa websites.

Aniya, hiniling na rin nila sa mga social media providers na ipagkaloob sa kanila ang mga sinasabing sites, pero ito ay aabot pa umano ng dalawang linggo.

Magugunitang inaprubahan ng Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng DILG na ipahinto na ang operasyon ng E-sabong kasunod ng misteryosong pagkawala ng 34 na mga sabungero na hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan ang kanilang kinaroroonan.

Bukod dito, ay nalaman din ng DILG sa kanilang survey sa mga lungsod at lalawigan na maraming pamilya ang nasira ang buhay dahil sa naturang sugal.

Facebook Comments