Dahil nabiktima ng marriage scam, nagkaroon ng minor heart attack ang isang 70-anyos na balo mula India– ang babae kasing nakatakda niyang pakasalan, bigla na lang daw naglaho.
Sa ulat ng Indian media reports, 10 buwan nang hinahanap ng biktima ang babaeng hindi lang basta nanloko kundi binitbit pa ang ilan sa kanyang mahahalagang kagamitan at dokumento.
Agosto nakaraang taon nang maglihis ang landas ng balo at ng akusado sa tulong ng isang kaibigan.
Namatayan kasi ito ng asawa taong 2018 habang ang babae ay hiwalay naman sa kanyang mister at mayroong 21-anyos na anak.
Kasama ng akusado ang mga magulang, kapatid at anak nang pag-usapan ang plano nilang pagpapakasal ng biktima na nakatira sa Mumbai.
Dahil walang kaalam-alam sa masamang intensyon ng babae, binigay ng matanda ang lahat ng susi ng kanyang bahay.
Pagsapit ng Agosto 8, 2019, nagtungo ang dalawa sa Jaipur kung saan nila ipinasa ang lahat ng papeles para sa nakatakdang kasal.
Matapos nito, nagpasyang umuwi ang matanda sa Mumbai kung saan tumambad ang mga nawawala niyang property documents, pera, at mahahalagang gamit at alahas.
Sinubukan niyang tawagan ang pamilya ng babae ngunit hindi na nagparamdam ang mga ito.
Bumalik siya sa Jaipur para hanapin ang mga suspek ngunit wala na ang mga ito.
Nang bawiin ng biktima ang marriage petition, nakasaad sa kanyang pahayag na grabe ang naidulot sa kanya ng nangyari.
Isang kaibigan ang nagdala sa kanya sa ospital nang atakihin siya sa puso at nakalabas naman makalipas ang ilang araw.
Dito na inihain ng pulis ang kaso laban sa babae at kanyang pamilya sa ilalim ng section 420 (cheating) ng Indian Penal Code.