70-anyos na Illegal Recruiter, Arestado

Cauayan City,Isabela- Naaresto na ng mga alagad ng batas ang isang 70-anyos na Ginang matapos ang halos walong (8) buwan na pagtatago na nahaharap sa patong-patong na kasong Estafa sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) bandang alas kwatro ng hapon kahapon sa Brgy. Bagumbayan, General Trias, Cavite.

Kinilala ang suspek na si Norma Bunnao,may asawa at residente ng Barangay Simayung, Abulug, Cagayan na itinuturing na Top 1 sa listahan ng mga Wanted Person sa lalawigan ng Cagayan.

Naaresto si Bunnao ng pinagsanib na pwersa ng General Trias City Police Station, Abulug Police Station, Cagayan Provincial Intelligence Team at Regional Intelligence Unit 2 sa bisa ng mandamiyento de aresto na inilabas ni Hon. Jose Lorenzo R. Dela Cruz, Presiding Judge, Regional Trial Court Branch 03, Manila taong 2013 kung saan Apatnapu’t walong libong piso ang inrekomendang piyansa sa kasong 3 counts of Estafa at walang inirekomendang piyansa para sa kasong Illegal Recruitment.


Batay sa ulat ng pulisya, napag-alaman mula sa suspek na mayroon pa itong dalawang kasamahan at ang isa sa mga ito ay si Romelita Ordoño na naaresto na limang taon na ang nakararaan samantalang inaalam pa ng pulisya kung nasaan ang isa pang suspek na nagngangalang Wilma Villamor.

Ayon sa panayam sa suspek, nabanggit nito na si Villamor umano ang tumatayong boss ng mga ito at direktang tumanggap ng placement at processing fee mula sa mga aplikanteng na-recruit ni Bunnao at ng isa pa nitong kasamahan.

Nangako pa umano si Villamor na magkakaroon ng komisyon ang mga ito kapag matagumpay na makapangibang-bansa ang mga aplikante subalit hindi ito nangyari hanggang sa tuluyan nang magsara ang recruitment agency.

Si Bunnao ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Abulug Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

📸PRO2

Facebook Comments