Umaabot na sa 42 milyong mga Pilipino ang nakapagparehistro para sa Step 1 o pagkuha ng demographic data sa Philippine Identification System o National ID.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni PSA Asec. Rose Bautista na nasa 30 milyon namang mga Pinoy ang nakapag-biometrics na at nasa 1.7 milyong National ID na ang naipamahagi as of September 10, 2021.
Ayon kay Asec. Bautista, bago matapos ang taong kasalukuyan target nila na makaabot sa 70 milyon ang nakapag-register sa Step 1 habang 50 milyon naman sa Step 2.
Abiso nito sa publiko na mag-register online sa philsys.gov.ph at maghintay ng advisory kung kailan tutungo sa registration center para naman sa step 2.
Matatandaang Agosto 2018 nang isabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PhilSys Act or Republic Act No. 11055 na naglalayong gawing isa na lamang ang government issued ID sa bansa.