Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na magtutuluy-tuloy na ang padating sa bansa ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Go, kung darating sa tamang panahon ang mga bakuna ay makakamit ng bansa ang target na mabakunahan ang 70 million na Filipinos sa pagtatapos ng taong 2021.
Sa sandaling maisakatuparan ito ay mapapababa na ang banta ng pagkalat ng virus sa komunidad, workplaces at eskwelahan.
“Tuloy-tuloy ang pagbili ng gobyerno. Hopefully, sa Abril, may five million doses ng bakuna na naka-line up. Pagdating ng Mayo, mayroong additional na naman. Sana tuloy-tuloy ‘to. By second quarter, marami na ang mabakunahan at target mabakunahan ang 70 million by the end of the year para unti-unti natin ma-attain ang herd immunity,” pahayag ni Go sa isang panayam,
Kamakailan aniya ay dumating ang isang milyong bakuna na binili ng pamahalaan mula sa China.
Mayroon pang parating na 900,000 na doses mula sa COVAX facility.
“Mayroon pa mga 900,000 na darating mula sa COVAX Facility soon. Mag-tototal ito ng (around) 3.4 million [doses] so enough ito sa frontliners natin,” ayon kay Go.
Payo ni Go sa mga mamamayan, maghintay-hintay lamang dahil sa ngayon ay prayoridad na mabakunahan ang mga frontline healthwokers at senior citizens.
“Ang priority sa ngayon ay mga frontline healthworkers, tapos senior citizens, tapos essential workers at indigents. Huwag kayong mag-alala. Bababa din ‘yan patungo sa lahat,” ayon sa senador.
Kasabay nito sinabi ng senador na handa siyang magpabakkuna sa kahit na anong brand na aprubado ng Food and Drug Administration.
Siya at maging si Pangulong Rodrigo Duterte aniya ay handang magpabakuna “in public” para mahikayat ang publiko na magpabakuna din.
Sa ngayon, nakatutok aniya ang pangulo at buong executive branch sa pagbili ng sapat na bakuna kaya apela ng senador sa publiko, magtiwala sa hakbang na ginagawa ng gobyerno.
“Kaya kami sa Senado, ipinasa namin ang indemnification law… Iyun ang hiningi [ng mga manufacturers]. Ibinigay natin ang batas na ‘yun. Ang probema ngayon supply. Agawan talaga pero expected natin ‘yan,” ani Go.
#######