Halos 70% na ng mga pampasaherong jeep na may biyaheng Marikina-Antipolo ang hindi na bumabiyahe dahil sa mahal ng krudo.
Sa interview ng DZXL RMN Manila, sinabi ni MATODA Association President Jose Cristobal na napupunta na lang din halos ang kita nila sa pagpapagasolina at sa pambayad sa boundary na nasa P500 hanggang P600.
“Sa pagtaas ng krudo, hindi na po nakakayanan ng ating mga driver, yung iba nagko-construction na lang,” ani Cristobal.
Hinaing pa ni Cristobal, sa taas ng presyo ng diesel ay hindi sasapat ang ibinibigay na fuel subsidy ng gobyerno na karamihan sa kanila ay hindi pa rin nakatatanggap.
Karamihan kasi sa kanila ay deed of sale lamang ang hawak na dokumento na hindi naman tinatanggap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Paliwanag naman dito ni LTFRB executive director Tina Cassion, nakasaad kasi sa batas na dapat ang mabibigyan ng ayuda ay ang mga kwalipikadong franchise owner.
“Pwede naman nating tanggapin for purposes lang ng ayuda na, mag-presinta kayo ng deed of sale at special power of attorney of the original owner. Kasi in the eyes of the law, walang karapatan yung kung sinuman yung na-transfer-an [ng prangkisa] na ngayon kasi hindi naman nakapangalan sa kanya yung prangkisa at nakasaad nga po na yung pagbibigyan ay yung qualified franchise owner po,” paliwanag ni Cassion.
“Tali din po talaga kasi yung kamay ng LTFRB kasi kami naman po yung tatamaan. These are public funds… Hindi naman po kung sino-sino lang yung pagbibigyan dahil mate-technical malversation naman po tayo,” punto pa niya.
Una nang umapela ang jeepney driver at operator na paluwagin ang requirements sa pagkuha ng fuel subsidy.