Sa harap ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga, lalong tumaas ang mga nakabinbing kaso sa korte.
Ayon kay Supreme Court Administrator Midas Marquez, 70-percent ng criminal cases na nakabinbin sa mga regional trial court ay illegal drug cases.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ni Marquez ang ipinaiiral na panuntunan ng Korte Suprema sa plea bargaining.
Aniya, Pinapayagan ang plea bargaining sa kaso ng possession of “shabu” kung ang droga ay hindi lalagpas sa bigat na 9.99 grams; para sa marijuana naman ay hindi lalagpas ng 499 grams.
Kung ang akusado ay nahaharap sa kasong “sale” of shabu, maari pa rin ang plea bargaining kung ang bigat ng kontrabando ay mas mababa sa isang gramo, o kung pagtutulak naman ng marijuana ay mas mababa sa sampung gramo.
Ipinaiiral na rin daw sa mga kaso ng droga ang continuous trial system.
Sa ilalim ng continuous trial system, ipinagbabawal ang mga pagpapaliban sa mga pagdinig maliban na lamang kung talagang kinakailangan.