Manila, Philippines – Pitumpung porsiyento o 3,500 na miyembro ng Manila Police District ang nakapakalat na sa iba’t ibang lugar upang bantayan ang idinaraos na 31st ASEAN Summit.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, nakaantabay naman ang tatlumpung porsiyento o 1,500 personnel na anumang oras ay handang magbigay ng responde kapag kinailangan.
Naghihintay lamang sila ng utos mula sa punong tanggapan ng Philippine National Police upang i-deploy ang reserved forces.
Paliwanag ni Margarejo naka-full alert ang MPD at mananatili ang status na ito hanggang sa magtapos ang ASEAN Summit sa November 15 o Miyerkules.
Kasabay nito ay humingi ng pag-unawa sa publiko si Margarejo lalo na sa mga naka-check in sa mga five-star hotels na maghihigpit sila sa security check dahil maraming delegado ang naka-check in sa mga naturang hotel.
Bukod sa Maynila akupado rin aniya ng mga delegado ang mga 5-star hotel sa Makati City, Pasay at Parañaque.
Tiniyak din ni Margarejo na walang dapat ipangamba ang mga magsasagawa ng kilos protesta na igagalang ng pulisya ang kanilang karapatan sa pagtitipon basta hindi sila lalabag sa batas.
Hinikayat ni Margarejo ang mga organizer ng kilos protesta na bantayan ang kanilang hanay upang manatili ang kaayusan.
Paalala ni Margarejo, sa sandaling may lumikha ng gulo na makasisira sa katahimikan at kaayusan ay ipatutupad nila ang kanilang mandato na itinatakda ng batas.