Cauayan City, Isabela- Umabot sa 700 ektarya ng pananim na mais ang lubos na apektado dahil sa naranasang drought o tagtuyot sa ilang sakahan sa Lungsod ng Cauayan at ibang partikular na lugar sa Lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist, nasa 2,887 ektarya ang may tsansya pa na makarekober sa kabila ng naranasang tagtuyot.
Paliwanag pa ng opisyal, may ilang pananim kasi ang hindi na lumaki dahilan para maapektuhan ang pag-usbong ng bunga nitong mais.
Dagdag pa ni Alonzo, nagsimula na rin silang maglista ng mga magsasakang apektado ng tagtuyot para sa pagbibigay ng libreng binhi na paunang tulong para sa kanilang nasirang kabuhayan.
Bukod dito, nakatakdang ipamahagi ang nasa 22,511 na sako ng fertilizer para naman sa mga rice farmers.
Una nang kinumpirma DA Region 2 na umabot na sa 77,951 hectares ang partially damaged habang 10,667 hectares ang totally damaged at sa kabuuan ay 88,619 ektarya ng pananim na mais ang apektado sa buong rehiyon.
Umabot na sa 2 bilyong piso ang halaga ng mga nasirang pananim sa buong Lambak ng Cagayan.