700-K na pamilyang ibinalik bilang benepisaryo ng 4Ps, tatanggap ng ayuda bago mag-Pasko

Inihayag ngayon ni House Committee on Poverty Alleviation Chairman at 1-PACMAN Rep. Michael Romero na bago magpasko ay makakatanggap na ng ayuda ang 700,000 pamilya na ibinalik bilang benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sabi ni Romero, ito ang tiniyak sa kanya ng DSWD at Landbank of the Philippines.

Nangako si Romero na regular na makikipag-ugnayan ang komite sa DSWD para masigurado na ito ay matutupad kasabay ang paggiit sa Land Bank at iba pang kinauukulang ahensya na iprayoridad ang paglalabas ng pondo para sa 4Ps.


Binanggit pa ni Romero ang sinabi ng Landbank na aabutin lang ng tatlong araw para maideposito ang pondo sa ATM accounts ng mga 4Ps beneficiaries.

Ayon kay Romero, ang nabanggit na 700,000 pamilya na unang tinanggal sa listahan ng mga benepisaryo ay dapat lamang maibalik dahil hindi pa sila umaangat mula sa level ng pagiging mahirap na syang saklaw ng 4Ps.

Facebook Comments