Magkakaroon ng nationwide job fair sa Labor Day-May 1 ang Department of Labor and Employment o DOLE.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez na 70,000 mga bakanteng trabaho ang available sa gaganaping job fair sa 42 lugar sa bansa.
Aniya, ang mga trabahong ito ay manggagaling sa business-process outsourcing o BPO, manufacturing, financial at insurance activities maging sa sales and marketing katulad ng production workers, service crew at financial consultant.
Umaasa si Benavidez na sa pamamagitan ng job fair na ito ay mapupunan ang pangangailangan para mabigyan ang mga manggagawa ng disenteng trabaho.
Samantala, maliban sa job fair ay mamimigay rin ng tulong pinansyal ang DOLE sa mga kwalipikadong manggagawa.
Ito ay sa pamamagitan ng TUPAD program ng gobyerno na may pondong aabot sa halagang 1.8 bilyong piso.
Ayon kay Benavidez, gagawin ang job fair sa SMX sa MOA habang ang financial assistance ay gagawin sa iba’t ibang lokasyong sa Pilipinas partikular sa regional offices.