Cauayan City, Isabela- Natimbog ang nasa 712 na katao sa isinagawang simulatneous Anti-criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) ng PNP Isabela sa pamumuno ni PCOL James Cipriano, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).
Sa loob lamang ng isang linggo na SACLEO ng bawat hanay ng pulisya sa probinsya na nagsimula noong ika-5 hanggang 11 ng Pebrero taong kasalukuyan, nalambat ang 712 na mga suspek at wanted persons na sangkot sa iba’t-ibang kaso.
Mula sa nasabing bilang ng naaresto ng pulisya, sampu (10) dito ay natimbog sa drug buy bust at Search Warrant operation na isinagawa ng PNP Tumauini, Echague, Angadanan, San Mateo, Cauayan, Maconacon at Ilagan City Police Station.
Nasa 108 na wanted persons naman ang nahuli sa bisa ng kanilang warrant of arrest, labing anim (16) na Top Most Wanted persons para sa Regional, Provincial at Municipal level.
Pito (7) na suspek naman ang nahuli sa bisa ng search warrant operation ng kapulisan dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act; limampu’t tatlo (53) na suspek sa Special laws; apatnapu’t siyam (49) na lumabag sa PD 1602 o Illegal Gmabling; labing lima (15) na nahuli sa Illegal Logging o PD 705; apat (4) na lumabag sa RA 8550 o Illegal Fishing at isang (1) nahuli sa paglabag sa RA 9175 o Chainsaw Act.
Sa kampanya kontra insurhensiya naman alinsunod sa EO No.70 o ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict; dalawang (2) kasapi ng Communist Terrorist Groups (CTGs) ang sumuko sa pamahalaan sa tulong ng militar, 1IPMFC, PIU-IPPO at San Mariano Police Station, habang tatlong (3) kasapi rin ng New People’s Army (NPA) ang nahuli ng PNP Echague sa bisa ng kanilang warrant of arrest.
Tinatayang aabot naman sa 506 na violators sa ipinatutupad na RA 11332 o sa COVID-19 Health Protocols ang nahuli ng iba’t-ibang himpilan ng pulisya sa probinsya.
Pinuri naman ni PCOL Cipriano ang lahat ng mga Police Stations sa Isabela dahil sa matagumpay na Simultaneuos Anti-Criminality Law Enforcement Operations sa probinsya.