72-anyos na babae, sawi matapos mabangga ng motorsiklo sa Negros Occidental

191

Binawian ng buhay ang isang 72-anyos na babae matapos mabangga ng motorsiklo sa Negros Occidental.

Ayon sa report, tumatawid noong madaling araw ng Lunes ang biktimang si Gloria Guanzon, residente ng Miramir Subd, sa highway ng Barangay Zone Talisay City nang maaksidente ng motor.

Ayon sa salaysay ng mga bata umanong nakasaksi ng pangyayari, tumakbo raw patawid ng kalsada ang biktima nang wala umanong makitang nagdaraang sasakyan.


Hindi inaasahang mababangga ito ng motorsiklong minamaneho ng 38-anyos na drayber na si Arnel Guadalupe, residente umano ng Hacienda Lumbia 2, Brgy. Alicante, EB Magalona, Negros Occidental.

Patungo raw noon ang naturang drayber sa EB Magalona batay sa imbestigasyon ng Talisay City Police Traffic Section nang mangyari ang insidente.

Matapos ang nangyari ay agad daw idinala sa ospital ang matanda ngunit dahil sa matinding pinsalang tinamo ay nasawi ito kalaunan.



Samantala, patuloy namang nagpapagaling ang drayber ng motorsiklo na nagtamo rin ng mga sugat matapos ang insidente.

Facebook Comments