Nanirahan mag-isa ang 72-anyos na lalaki sa isang maliit na kubo sa Trang, Southern Thailand dahil sa takot na makahawa ng sakit sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Mahigit 10 taon na mula nang humiwalay si Charat Rakmuen at tumira malapit sa gubat at ang tanging nakakausap lamang ay ang asawa na araw-araw nagdadala ng pagkain at gamot sa kanya.
Nang makapanayam si Charat, ikinuwento nito na nagsimula ang kanyang sakit sa isang ulcer hanggang sa kumalat sa buong katawan niya na naging dahilan umano nang pagkatigil niya sa trabaho.
“I did not understand what was happening to me but I was worried about passing it to my wife and others in the village, so I stayed in this small house,” aniya.
Ayon sa kanyang asawa na si Pha Rakmuean, 59, kinailangan daw niyang magtrabaho para sa araw-araw na gastusin ng pamilya dahil sa kalagayan ng asawa.
Desisyon din daw ni Charat ang lumayo dahil sa takot na mahawa ang kanyang pamilya sa naturang sakit.
Ngunit kamakailan lang ay nadiskubreng walang katotohanan na nakakahawa ang sakit ni tatay.
Ito ay matapos magpadala ng grupo ng medical staff ang lokal na pamahalaan nang marinig ang kwento tungkol kay Charat.
Dito nasuri na mayroon siyang Pemphigus Foliaceus na hindi umano nakakahawa.
Sabi ng hospital doctor na si Thiwaporn Srichnthong, hindi raw kinakailangang lumayo at magtago ng lalaki dahil nagagamot daw ang kanyang kondisyon.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung plano bang bumalik ni Charat sa kanyang pamilya at kung magkano ang maaaring magastos para sa kanyang pagpapagamot.