Patay ang isang 72-anyos na lolo matapos pagtatagain ng kanyang panganay na kapatid sa Barangay Poblacion 1, Basud, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima bilang si alyas “Ben” habang ang 75-anyos na suspek naman na siyang nakatatandang kapatid ng biktima ay kinilalang si alyas “Moy”, residente ng naturang lugar.
Batay sa mga nakasaksi ng insidente, 22-inch na bolo ang ginamit ng suspek sa pananaga.
Nakatakbo pa umano ang biktima habang duguan at walang suot na damit upang humingi ng tulong.
Pinaniwalaan na tinaga ang biktima habang naliligo umano ito sa kanilang bahay.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Samantala, nagpaalam pa umano ang suspek sa asawa nito bago tuluyang sumuko sa mga awtoridad.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang naging motibo ng suspek sa pagpatay sa kapatid nito.








