Ipinagmalaki ni Senate President Chiz Escudero na aabot sa 72 panukala ang ganap na naging batas bago matapos ang taong 2024 sa ilalim ng kanyang liderato.
Mula sa simula ng 3rd regular session ng 19th Congress noong July 23, 2024 hanggang sa adjournment ng sesyon nitong December 18, 2024, 108 panukala ang naipasa ng Senado, 72 bills mula rito ang ganap na naisabatas kung saan 11 rito ay LEDAC priority measures.
Ayon kay Escudero, sinikap nilang ma-maximize ang bawat sesyon at sinulit ang bawat oras, minuto, at segundo sa plenaryo para maaprubahan ang mga panukala.
Sinabi pa ni Escudero na karamihan sa mga naisabatas na panukala ay bunga ng mga resulta at rekomendasyon ng mga pagdinig at imbestigasyon ng mataas na kapulungan at hindi tsismis para aliwin ang publiko.
Bagamat sa ilalim ng pamunuan ni Escudero ang may pinakamaraming naisabatas, tiniyak ng Senate President na hindi naman naisakripisyo ang kalidad ng mga panukala at sinigurong lahat ng ito ay dumaan sa mabusising deliberasyon at debate bago naipasa.