Cauayan City, Isabela- Kumpleto na ang ginawang validation ng Disaster Response Management Division (DRMD) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 2 para sa Emergency Shelter Assistance (ESA) beneficiaries ng nagdaang Bagyong Ulysses.
Base sa inilabas na report, mayroong kabuuang 1,347 household validated kung saan 724 lang ang kwalipikado kasama ang 622 partially at 102 totally damaged habang ang natitirang 623 ay diskwalipikado maliban sa lalawigan ng Batanes dahil wala namang naitalang pinsala ng nakalipas na kalamidad.
Ilan naman sa basehan ng totally damaged houses ay ang loss of building structure o kabahayan at ang kondisyon nito makaraang kumpunihin habang ang pagkasira naman ng bahagi ng bahay at ang minor repairs na hindi hihigit sa dalawang (2) linggo ay para sa partially at no damaged naman para sa mga nakatanggap na ng ESA mula sa National Housing Authority (NHA) maging sa iba pang pribadong organisasyon.
Ang mga diskwalipikado naman ay ang dumaan sa assessment na walang naitalang pagkasira sa kanilang istraktura at ang pagkakasama ng doble sa listahan.
Matatandaang nakatanggap ng reklamo at hinaing ang ahensya mula sa mga hindi nakasama sa inisyal na listahan kung saan inabisuhan ang mga ito na humingi ng kaukulang tulong sa Municipal or City Social Welfare Development Officers.