Sugatan ang isang 73-anyos na lalaki matapos masangkot sa banggaan ng motorsiklo at van noong Biyernes ng umaga sa national road ng Brgy. Cabitnongan, San Nicolas, Pangasinan.
Ayon sa ulat ng pulisya, minamaneho ng biktima ang isang motorsiklo nang bigla itong mag-U-turn mula sa shoulder lane patungo sa kabilang linya ng kalsada.
Sa kabilang direksyon naman ay paparating ang isang van na minamaneho ng 51-anyos na lalaki mula Nueva Vizcaya, na may sakay na sampung pasahero.
Dahil sa umano’y bilis ng van, hindi na ito nakaiwas at naganap ang banggaan.
Bunsod nito, nagtamo ng mga sugat ang driver ng motorsiklo at agad na isinugod sa ospital para sa karampatang lunas.
Hindi naman nasaktan ang driver ng van at ang kanyang mga pasahero.
Ayon pa sa awtoridad, kapwa napinsala ang dalawang sasakyan at patuloy pang tinutukoy ang halaga ng pinsala.
Nasa kustodiya na ng San Nicolas Municipal Police Station ang mga sangkot para sa karagdagang imbestigasyon at tamang aksyon.
Muling paalala ng pulisya sa mga motorista ang pagiging maingat at mahigpit na pagsunod sa batas-trapiko upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.










