73 milyong doses ng COVID-19 vaccine, tiyak ng maide-deliver sa bansa

Sa nagpapatuloy na pagdinig ngayon ng Senate committee of the whole na pinamumunuan ni Senate President Tito Sotto III ay tiniyak ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ang delivery sa bansa ng 73 million doses ng bakuna laban sa COVID-19 kung saan ang 56 million doses ay nakapaloob sa mga nagpapatuloy pang negosasyon habang ang 44 million doses ay magmumula sa COVAX Facility.

Lahat ng ito ay inaasahang darating hanggang sa last quarter ng kasalukuyang taon habang ang ibang bahagi ng AstraZeneca na binili ng private sector at Local Government Units (LGUs) ay makukumpleto ang delivey hanggang 2nd quarter ng susunod na taon.

Sabi ni Galvez pitong term sheet ang pinirmahan ng gobyerno ng Pilipinas para sa pitong uri ng COVID-19 vaccine.


Kinabibilangan ito ng Sinovac, Sputnik V, Moderna, AstraZeneca, Johnson and Johnson, Pfizer at Novavax.

Hanggang ngayong June aniya ay aabot sa mahigit 19.1 milyon doses ng bakuna ang maide-deliver sa Pilipinas at tataas ito sa mahigit 30.8 milyong doses pagsapit ng Hulyo.

Base sa presentasyon ni Galvez, mahigit 7 milyon na ang mga Pilipino ang nabakunahan kung saan mahigit 5.1-milyon ay 1st dose pa lamang ang natatanggap at mahigit 1.9 milyon na ang fully vaccinated o nakatanggap na ng second dose ng bakuna.

Ayon kay Galvez, mayroon nang 3,944 vaccination sites sa bansa at mahigit 10.3 milyong bakuna na ang nai-deploy.

Binanggit ni Galvez na target ng pamahalaan na mabakunahan ang A1 hanggang A5 pagsapit ng ikatlong quarter ng taon habang sa pagtatapos ay mabakunahan na rin ang general public kasama ang mga menor de edad.

Ipinakita naman sa presentasyon sa pagdinig ni Budget Secretary Wendell Avisado na mahigit 88.5 billion pesos ang budgdet sa pagbili ng COVID-19 vaccine.

Habang umaabot na sa 660.51 billion pesos ang pondo sa pagtugon ng gobyeno sa COVID-19 pandemic, mahigit 387 billion pesos ang nakapaloob sa Bayanihan 1.

200 billion pesos naman sa Bayanihan 2 at ang mahigit 73.2 billion pesos ay regular funds o nakapaloob sa pambansang budget.

Facebook Comments