74-anyos na Biyuda sa Isabela, ika-35 COVID-19 Death Case sa Region 2

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng Department of Health (DOH) region 2 ang ika-35 pasyenteng nasawi sa buong rehiyon may kaugnayan sa COVID-19 na si CV2049 na isang 74-taong gulang na babae mula sa Calamagui 1st, City of Ilagan, Isabela.

Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, may comorbidities o dati ng may karamdaman ang pasyente gaya ng hypertension at diabetes type 2 na posibleng pinalala pa ng magpositibo ito sa virus hanggang sa bawian ng buhay.

Ayon naman kay Health Education and Promotion Officer Pauleen Atal, walang kasaysayan ng pagbyahe ang pasyente sa iba pang lugar na may kaso ng COVID-19.


Matatandaang isinugod sa pribadong pagamutan ang pasyente matapos itong makaranas ng hirap sa paghinga noong October 4 at inilipat sa Cagayan Valley Medical Center hanggang bawian ito ng buhay kahapon pasado 1:40 ng madaling araw.

Ayon sa ulat, namatay ito sanhi ng Acute respiratory distress syndrome ( ARDS).

Samantala, nakapagtala din ang DOH ngayon ng 32 katao na nagpositibo sa COVID-19 na kinabibilangan ng 9 mula sa bayan ng Tumauini; 7 sa City of Ilagan; 4 sa Luna, tig-2 sa Cabatuan at San Manuel; bawat 1 naman sa mga bayan ng Jones, Alicia, at Quezon habang 3 sa Tuguegarao City at 1 sa Lal-lo, Cagayan.

Sa ngayon ang nasawing pasyente ay pang-labindalawa ng naitala mula sa lalawigan ng Isabela.

Facebook Comments