
Nababahala si Senator Risa Hontiveros dahil lumabas na 74 percent ng online traffickers na nagbenta ng mga video at larawan ng mga menor de edad ay kamaganak o kakilala ng biktima.
Sa pagdinig ng Committee on Women, lumabas sa report ng International Justice Mission Philippines na bawat online trafficker ay may tatlong batang biktima.
Natukoy rin sa pagdinig na halos kalahating milyong bata ang nabiktima ng online trafficking.
Bukod dito, naging normal na rin sa ilang komunidad ang online exploitation ng mga bata dahil ito’y kanilang pinagkakakitaan.
Hiniling ng grupo na maging proactive ang ating law enforcement agencies at LGUs sa paglaban sa online trafficking ng mga bata.
Sa tala din ng grupo, may halos 1,500 na mga batang biktima ng online trafficking ang nailigtas habang 445 suspek ang naaresto at 270 sa kanila ay na-convict sa mga kaso.