75 BATANG INA, SUMAILALIM SA INTERBENSYON UKOL SA TEENAGE PREGNANCY SA DAGUPAN CITY

Sumailalim sa iba’t ibang interbensyon ukol sa teenage pregnancy ang 75 batang ina sa Dagupan City sa ilalim ng programang “Usapang BIBA” (Batang Ina, Batang Ama) na isinagawa kahapon, Marso 30, 2026.

Layunin ng programa na maiwasan ang teenage pregnancy at ang pag-uulit nito sa murang edad sa pamamagitan ng mga hakbang ng City Population Development Office.

Kabilang sa mga tinalakay ang responsableng pagpapamilya at mga kaalamang may kaugnayan sa reproductive health.

Nagbigay rin ng lecture ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) tungkol sa nutrisyon, mental health awareness, at mga hotline na maaaring tawagan.

Bukod sa lecture, nagsagawa ang City Health Office ng libreng prenatal at postnatal check-up. Nakatanggap din ang mga dumalo ng food packs at hygiene kits.

Ayon sa City Population Development Office, bahagi ang programa ng patuloy na mga hakbang upang matugunan ang isyu ng maagang pagbubuntis sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments