75 days countdown sa ‘road clearing’ ikakasa muli ng DILG

Muling magpapalabas ng bagong direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng  75-day ‘road-clearing operation.’

Ayon kay Interior Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ito ay dahil muling nagbalikan ang mga sagabal sa mga kalye at lansangan.

Ayon kay Malaya, umaasa silang mauunawaan ito ng mga opisyal sa lokal na pamahalaan dahil ang direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ‘road clearing operation’ ay hanggang sa matapos ang kaniyang termino.


Ito rin ang naging tugon ni DILG Undersecretary Epimaco Densing, kasunod nang hindi pa rin pagtalima ng ilang lokal na pamahalaan sa utos ni Pangulong  Duterte na linisin ang kani-kanilang mga nasasakupan sa ‘obstructions’ sa mga kalsada.

Sinabi ni Densing, nagsasagawa na umano sila ng mga bagong panuntunan para sa muling gagawing road clearing, paglilinis sa mga bangketa at imbentaryo ng mga kalsada sa bawat LGUs.

Nitong nakaraang Linggo ay kinasuhan na ng DILG ang unang batch ng sampung alkalde sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod dahil sa hindi pagsunod sa direktiba ng Pangulo laban sa mga sagabal sa daan.

Facebook Comments