Ipinagmalaki ni Department of the Interior and the Local Government Usec. Jonathan Malaya na malaki na ang na-improve pagdating sa pamamahagi ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) assistance lalo na rito sa Metro Manila.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Malaya na wala na kasing pagkukumpulan sa distribution sites kung saan ipinamamahagi ang isa hanggang apat na libong piso sa kada low-income family.
Ayon kay Malaya, sa ngayon ay nasa 75% na ng ECQ ayuda ang naibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo o katumbas ng P8.4B.
Pinakamarami nang nabigyan ay ang Caloocan Local Government Unit (LGU) na nakapamahagi na sa 96.31% ng mga kwalipikadong benepisyaryo, Quezon City na mayroong 94.96% sinundan naman ng Mandaluyong, 92.51%, Navotas higit sa 90% na ng ECQ ayuda ang naipamahagi.
Hindi rin magpapahuli ang Maynila 88.39%, Pateros 87% at San Juan na nakapamahagi na ng financial assistance sa 80.40% na mga kwalipikadong benepisyaryo.
Habang sa Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna ay tuloy-tuloy rin ang pamumudmod ng ECQ ayuda.
Samantala, kumpyansa naman si Usec. Malaya na bago ang deadline sa Mayo a-kinse ay naibigay nang lahat ang ECQ ayuda.