*Cauayan City, Isabela-* Lumapag na kaninang pasado alas dos ng hapon sa Cauayan City Airport ang pitumpu’t limang miyembro ng 45th Infantry Battalion sa ilalim ng 5th Infantry Division matapos ang higit walong taong pagkakadestino sa Jolo, Sulu.
Ito ay kinabibilangan ng mga kasundaluhan mula sa Rehiyon dos at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa mismong pagtutok ng RMN Cauayan News Team, inihayag ni Major General Perfecto Rimando Jr., ang Commanding General ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa kanyang pananalita na sa mahigit tatlong daang kasundaluhang naitalaga sa Mindanao ay mayroong sampung kasundaluhan ang napatay (KIA) sa panahon ng kanilang pagkakadestino sa Mindanao.
Aniya, magpapahinga muna ang mga ito kasama ang kanilang pamilya subalit magkakaroon parin sila ng training para sa kanilang re-deployment sa 5th ID at nakatakda ring mabigyan ng Welcome Ceremony ang mga bumalik na tropa ng 45th IB.
Samantala, bilang kapalit ng mga dumating na kasundaluhan mula sa Mindanao ay nagdeploy naman ang 5th ID ng apatnapu’t limang (45) militar mula sa 21st IB at 41st IB upang panatilihin ang seguridad sa nasabing lugar.
Kanyang pinaalalahaan ang mga ito na ingatan ang kanilang sarili at gawin ang kanilang mandato upang maprotektahan ang mga mamamayan at mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa parte ng Mindanao.